May isang babaeng sa unang tingin ay para bagang hindi alam ang patutunguhan. Sa kanyang paglalakad-lakad, natagpuan nya ang sariling nakatayo sa harap ng isang malaking bahay. Sa puso nya, hindi nya maintindihan ang kanyang labis na kalungkutan na may kaakibat ding kasiyahan. Sa pagsilay ng araw, mas lalo pa nyang naramdaman ang masidhing damdamin. Hindi nya inalintanang papatak ang luha sa kanyang mga mata. Hindi nya inakalang sa labis na emosyon, babalik ang kanyang mga kinalimutang-pilit na ala-ala.
Sa paglipas ng mga oras, siya ay nananatiling nakatayo sa harap ng malaking bahay. Kumukubli sa likod ng puno, umaasang sa mga susunod na sandali makita nya ang batang kanyang naiwan sa pagtakas mula sa mga labis pasakit. Ilang taon na rin ang nakalipas. Labis syang nasasaktan sa bawat minutong nanunumbalik ang alaala ng kanyang mahal na supling. Hindi man nya ninais na ito'y iwanan, masakit man para sa kanyang kalooban. Lumisan pa rin sya kahit may agam-agam.
Noong mga panahon na yun, isa lang ang kanyang ninais. Ang makalayo mula sa kanyang asawa na nagdudulot ng labis na hinagpis sa pusong nagdurusa. Isang lalaking hindi marunong sa tamang landas ng matiwasay na buhay. Sa panahong yun, naging makasarili sya at nakaligtaang isipin ang kanyang maliit na anak.
Sa mga nakalipas na taon, pinilit nyang kalimutan ang nakaraan. Pinilit nyang talikuran ang mundo ng kanyang pamilya. Sinikap nyang mawaglit sa isipan ang kanyang binitiwang pangako sa harap ng dambana ng Diyos. Subalit sa kabila ng kanyang pagsisikap, umuukilkil sa kanyang isipan ang mga salitang kanyang binitawan. Mga salitang hindi kailanman mawawala sapagkat nakaukit na ito sa kanyang puso at isipan: "Ako'y nangangakong sa lahat ng oras ika'y uunawain, aalagaan, magmahahal sa iyo anuman ang mangyari. Sa kabila ng mga pagsubok na ating dadaanan ay mananatiling nasa tabi mo at nang pamilyang ating sisimulan mula sa mga oras na ito. Sa pamamagitan ng pag-gabay sa atin ng Poong Maykapal at sa harap ng ating mga mahal sa buhay, ikaw lang ang lalaking aking mamahalin hanggang sa kabilang buhay."
Madalas sa kanyang pagtulog, nanunumbalik ang mga alaalang naging mitsa nang kanyang paglisan. Hindi nya inasahan na sya ay magiging marupok sa mga pagsubok na dumaan. Hindi nya inakalang sya ay susuko nang ganun-ganun na lamang. Sa pagtulog, laging may luha sa kanyang mga mata, bigla na lamang syang nagigising na may lungkot na nadarama. Kinakaya nyang mamuhay nang mapayapa sa bawat pagsikat ng araw. Tumatawa sya upang maibsan ang sakit na dulot ng nagdaang panaginip.
Hanggang sa sya ay magpasya na bumalik sa kanyang lugar bitbit ang isang bagong pag-asa. Umaasa na sa paglipas ng limang taon ay may mababalikan pang tahanan at pamilyang sa kanyang puso at isipan ay hindi kailanman nawaglit sa kabila ng mga naranasang pasakit.
itutuloy...
Thursday, January 29, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)

No comments:
Post a Comment