Friday, January 30, 2009

Dalikang Pag-ibig pt.2

Sa loob ng malaking bahay, may dalawang pusong sadyang hindi maging buo. Isang batang nangungulila sa Ina at isang lalaking naghahanap sa kanyang asawa. Limang taon ang matuling lumipas. Limang taon, na siya ay umasang sa bawat pagsikat ng araw, anino ng kanyang asawa ang makikita.

Lumaki si Leila, sa piling ng kanyang ama. Isang mapag-aruga at mapang-unawang ama. Sa kabila ng pangungulila sa kanyang Ina, napupuno naman sya ng mga alaala nito sa tulong ng kanyang ama. Si Randall, ang kanyang ama na sa kabila ng pagkawalay sa kanyang ina ay walang ginawang hakbang upang magkaroon sya ng bagong 'ina'. Sa kabila ng pangungulila, sya lang ang pinagtuunan ng pansin kaakibat ng paghahanap sa kanyang nawawalang Ina. Si Randall, isang lalaking hinangaan sa kanyang taglay na katapatan sa kanyang asawa.

Dumating ang mga panahon na naging marupok sya. Mga araw na inakala nyang sa mga makamundong gawain, mahahanap ang ligaya. Mga panahong bata pa sya at nagtatamsa ng kalayaang magliwaliw sa piling ng barkada. Ngunit dumating ang araw na sinabi nya sa sariling titigil na sya. Hinanap nya ang kanyang sarili at duon nya nasilayan ang ganda ng umaga sa piling ni Lorna.

Si Lorna, isang mapagkalingang kaibigan. Isang taong sa tingin nya ay magiging mabuting asawa't ina. Isang babaeng sa tingin nya ay magbibigay suporta sa kanyang ginawang pagbabagong-buhay. Si Lorna lang ang babaeng sa kabila ng mga maling ginawa nya sa buhay ang gumagabay sa kanya pabalik sa tamang landasin. Si Lorna, ang tinig na kanya lamang naririnig sa mga araw na panay dilim at walang maaninag na liwanag. Si Lorna ang napili nyang mapangasawa. Si Lorna...

Habang ngumunguya ng almusal, hindi nya malasahan ang sarap nito. Kusang tumulo ang mga luhang kanyang pinipigilan, lalo kapag kaharap ang kanyang munting anghel. Dali-dali nya itong pinunas bago pa mapansin ng kanyang anak. Limang taon na ang nakalipas, ngunit sariwa pa rin sa kanyang mga ala-ala ang pangyayari.

Hinahanap nya ang kanyang asawa upang maibahagi ang isang masayang pangyayari sa kanilang buhay. Sa wakas, nabili na nya ang lupang kanyang pagtatayuan ng bagong bahay. Bahay na matagal na nilang inaasam, pinangarap at ngayon nga'y matutupad na. Ngunit sya ay nanlumo sa kaalamang lumisan na ang kanyang pinakamamahal na asawa. Kasabay nito ang daluyong ng sakit at paghihinagpis. Halo-halo ang sakit, lungkot at pag-asam na sana nagkakamali lamang sya. Kung anu-ano ang pumasok sa kanyang isipan, masasamang pangitain na labis na nagdudulot ng ibayong sakit at pagdaramdam. Isang sulat lamang ang naiwan sa kanilang higaan na nagsasabing sya ay lilisan na. Galit at poot, yun ang kanyang nararamdaman hanggang sa marinig nya ang mga iyak ng kanilang anak na si Leila. Dali-dali nya itong pinuntahan at pinatahan. Habang pinagmamasdan nya ang mala-anghel nitong mukha, nawala na rin ang pagkapoot nya kay Lorna at nahalinhinan ng pag-asang balang-araw, si Lorna ay magbabalik sa piling nilang mag-ama.

Isang bagong araw na naman para sa kanilang mag-ama. At katulad nang dati, sya ay umaasang sa paglabas nila sa kanilang tarangkahan ay masisilayan nya ang kanyang pinakamamahal na asawa...


itutuloy...

No comments:

Post a Comment